Rambulan sa party: 2 patay, 2 grabe

LOPEZ, Quezon – Nabahiran ng dugo ang masayang pagdiriwang ng isang anibersaryo ng kasal makaraang magsaksakan ang dalawang grupo ng mga kabataan na nagresulta ng pagkamatay ng dalawa at malubhang pagkasugat ng dalawang iba pa kamakalawa ng gabi sa Barangay San Pedro sa bayang ito.

Ang biktima na kapwa nagtamo ng mga saksak sa leeg at katawan ay nakilalang sina Eric Flores, 18, ng Brgy. Villa Hermosa at Rexon Jerusalem, 22, ng Brgy. San Pedro.

Ginagamot naman ngayon sa St. Jude Hospital sina Joel Sambajon, 22 at Roderick Jerusalem, 24, dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong ala-6:00 ng gabi nang maganap ang insidente.

Kapwa umano dumadalo sa wedding anniversary ng isang Silvestre Vargas ang dalawang grupo ng mga kabataan na galing sa magkaibang barangay.

Nang malasing ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Flores at Jerusalem na nauwi sa pananaksak ng una hanggang sa magrambulan. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments