Kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina ex-vice mayor Eugenio Bello, Edgar Francisco, Ernesto Cero, Amador Enderes, Rizalde Permetes at Gerry Dragon.
Si Bello ay dating bise-alkalde sa bayan ng Sergio Osmeña Sr., Zamboanga del Norte nang madakip kasama ang iba pang mga suspek ng mga operatiba ng Regional Intelligence Office-9, Zamboanga del Norte Provincial Police Office at National Bureau of Investigation (NBI).
Batay sa rekord ng pulisya, matagal ng wanted sa batas ang grupo ni Bello dahil ilang taon na umanong sangkot ang mga ito sa kasong robbery in band sa naturang lalawigan at kamakailan lamang nagkaroon ng pagkakataon ang pulisya upang mabitag ang mga ito.
Ang mga suspek ay ipinagharap ng kasong robbery in band sa Municipal Trial Court ng Sergio Osmeña Sr., Zamboanga del Norte.
Ang pagkakadakip sa mga ito ay bunsod umano ng ipinatutupad na Oplan Manhunt-Bravo ng PNP.
Bago ang pagkakaaresto kay Bello ay matatandaang nadakip ang isa pang lokal na opisyal na si Panulukan, Quezon Mayor Ronnie Tena Mitra dahil sa pagkakasangkot nito sa drug trafficking matapos makumpiskahan ng bilyong shabu nitong nakalipas na Linggo. (Ulat ni Joy Cantos)