Sundalo tinodas ng obrero dahil nagtalo sa giyera ng US

CAMP VICENTE LIM, Laguna - Isang sundalo na nakatalaga sa 1st Infantry Battalion ng Phil. Army ang iniulat na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang obrero makaraang hindi magkasundo sa pagtatalo sa kasalukuyang giyera ng US at Afghanistan sa kahabaan ng Brgy. J. Rizal St., Sta. Maria, Laguna kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay sa Sta. Maria Provincial Hospital ang biktimang si Sgt. Rominito Manjares, 36, may asawa ng Brgy. Villa Hermosa, Daraga, Albay.

Samantala, ang suspek na ngayon ay tinutugis ng pulisya ay nakilalang si Edgardo Dote, 27 at walang tiyak na tirahan.

Napag-alaman ng pulisya na kapwa lango sa alak ang dalawa nang magtalo sa nabanggit na isyu subalit hindi magkasundo.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, bandang alas-6:30 ng gabi nang maganap ang hindi inaasahang pangyayari na ikinasawi ng biktima dahil sa tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments