Gobernador ng Isabela nasa hitlist ng NPA

ILAGAN, Isabela – Inamin kahapon ni Isabela Governor Faustino Dy, Jr. na ang kanyang pangalan ay nasa listahan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nakatakdang likidahin anumang araw dahil sa pagpupursigi ng una sa proyektong multi-milyong piso cassava plantation at flour mill sa nabanggit na lalawigan.

Ang nabanggit na isyu ay kinumpirma din ng mga ahente ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Phils. (ISAFP).

Pinag-usapan na ito ng mga miyembro ng National Peace and Order Council makaraang matanggap nila ang kopya mula sa ISAFP na siya (DY) ay nakasama sa listahan ng liquidation ng NPA rebels.

Sinabi ni Gob. Dy na aabot sa 3,000 pamilya mula sa Mallig Region ang mabibiyayaan ng nabanggit na proyekto.

Nabatid pa na ang Mallig Region na pagtatayuan ng cassava plantation at flour mill ay masasakop ang bayan ng Aurora, Quezon, Quirino, Burgos, Mallig, Gamu at Delfin Albano.

Dahil sa mga nabanggit na bayan na kasalukuyang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga rebelde sa mga residente upang suporta sa kanilang grupo na nakabase sa Cagayan Valley ay napilitang ilagay sa liquidation list ang pangalan ni Gob. Dy. (Ulat ni Charlie Lagasca)

Show comments