Kalaboso ang binagsakan ng mga nahuling treasure hunters na kinilalang sina Cornillo Bacolcol, Roberto Bacolcol, Garry Ampatin, Erinio Canales, Rizaliot Bacolcol, Roberto Bacolcol Jr., Eduardo Lacanaria, Ricardo Cabasio at Eduardo Ampatin, pawang mga taga-Marabut, Western Samar.
Ilan sa mga naarestong suspek ay nadakip sa aktong tinutungkab ang gintong ngipin at mamahaling mga alahas na suot pa ng isang kalansay na hinukay.
Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, naaresto ang mga suspek ng mga elemento ng 52nd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at ilang mga barangay official, dakong alas-11 ng gabi sa loob ng isang sementeryo sa Barangay Tinabanan, Marabut.
Nabatid na ang pagkakalambat sa mga treasure hunter ay naganap matapos na makatanggap ng mga reklamo ang mga awtoridad mula sa ilang mga residente sa nasabing lugar hinggil sa nangyayaring paglapastangan sa mga nitso ng kanilang mga mahal sa buhay na pinagnanakawan ng mga suspek.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng mga suspek ang ilang mga kagamian sa paghukay, isang cal .45 pistol, cal .38 homemade revolver, 12 gauge shotgun, mga bala at mga personal na gamit ng mga ito. (Ulat ni Joy Cantos)