2 'tulak' nasakote

Bumagsak sa mga tauhan ng pulisya ang dalawang pinaniniwalaang big-time drug pushers na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang aabot sa P1M shabu sa isinagawang operasyon sa lalawigan ng Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-Nargroups Director P/Chief Supt. Reynor Gonzales, kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Jessie Punzal, ng Brgy. Gen. Luna St. at Ricardo Manaois ng Brgy. Parian, pawang sa Mangatarem, Pangasinan.

Ang mga suspek ay nasakote sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Joven Costales ng Regional Trial Court ng Pangasinan matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y modus operandi ng dalawa.

Nabatid na magkasunod na sinalakay ng magkakasanib na elemento ng Mangatarem Police Station at Pangasinan Provincial Police Office sa pamumuno ni P/Supt. Orlando Hilario Sr. ang tahanan ng mga suspek.

Nakumpiska sa bahay ni Punzal ang isang Mark IV cal. 45 pistol, 210.4 gramo ng shabu, 2.9 gramo ng marijuana at mga drug paraphernalias.

Samantala, nasamsam naman mula kay Manaois ang 334.6 gramo ng shabu, Armscor rifle airgun at HM caliber .22 rifle, caliber .38 revolver, caliber .22 snub nose at mga drug paraphernalias. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments