Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva, dakong alas-12:15 ng tanghali nang salakayin ng magkakasanib na operatiba ng Marines Area Reserve Coordinating Center at 2nd Marine Battalion Landing Team (MBLT) ang safehouse ng mga bandido sa kahabaan ng Serrantes St., Jolo public market, Sulu.
Tumagal ang putukan ng ilang minuto na nagresulta sa pagkasawi ng isang Sayyaf. Gayunman, kasalukuyan pang bineberipika ang pangalan nito.
Kinilala naman ang apat na nadakip na miyembro ng Abu Sayyaf na sina Talib Baharan, 19, residente ng Capitol Site, Patikul; Junior Alih, 24, ng Casulutan Village, Jolo; Ibno Mubarak, 15, ng Serrantes St., Jolo at Mulhayser Tilao, 22, ng Sulu public market.
Si Mulhayser ay sinasabing kapatid umano ni Abu Sabaya na sangkot sa pamumugot ng ulo ng mahihirap na hostages na walang maibayad na ransom.
Ang mga nadakip na Abu Sayyaf ay kasalukuyan nang sumasailalim sa masusing tactical interrogation ng militar. (Ulat ni Joy Cantos)