Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Monica De Sagun, ng Subic Ibaba, Agoncillo, Batangas.
Samantala, ang mga nasa kritikal na kondisyon ay kinilalang sina Oscar Cabrera, 46, driver at isang konsehal sa bayan ng Agoncillo, Batangas; Lazaro De Sagun; Forferio De Sagun; Solidad De Sagun; Apolinar Cabrera, Teresita Carino; Gilbert Toledo at Narcilita De Sagun.
Nabatid na ang mga biktima ay dadalo sa isang kasalan sa Dasmariñas, Cavite at ang ginamit na sasakyan ay pag-aari ng lokal na pamahalaan na hindi nabatid kung may permiso sa alkalde.
Ang mga biktima ay pawang magkakamag-anak at residente at empleyado ng munisipyo ng Agoncillo, Batangas.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Frederick Reyes, may hawak ng kaso, naganap ang pangyayari dakong alas-4 ng hapon makaraang mawalan ng kontrol ang manibela ng Isuzu AUV na may plakang SAA na nakarehistro sa Mayors office ng Agoncillo, Batangas.
Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na lumampas ang sasakyan ng mga biktima sa naunang behikulo subalit dahil sa may kasalubong ay bigla na lamang kinabig ng driver kaya naging sanhi upang tumaob ito.
"Masyadong mabilis magpatakbo ng sasakyan ang driver kaya ito nadisgrasya," ani ng isa sa nakasaksi. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)