Pulis pinatay sa tupadahan ng mga NPA

LEGAZPI CITY – Isang miyembro ng Philippine National Police at security aide ni Bicol PNP Chief P/ Supt. Enrique Galang ang pinagbabaril ng umanoy mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang tupadahan sa Brgy. Puro ng lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ay nakilalang si SPO1 Ricky Benania, 33, may-asawa, nakatalaga sa Kampo Simeon Ola at residente ng Brgy. 56 Buragwis.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, na dakong alas-3:30 ng hapon habang ang biktima ay nagsasabong sa nasabing tupadahan, tatlong kalalakihan na pawang armado ng kal.45 at kal.38 ang lumapit sa biktima.

Isa sa mga suspek ang umakbay sa biktima at agad na ito ay binaril sa ulo.

Nakahandusay na sa lupa ang biktima ito ay patuloy na pinagbabaril at siniguradong patay na ito bago tumakas ang mga suspek tangay ang baril ng biktima.

Nagsagawa ng follow -up operation ang mga awtoridad at isa sa mga suspek na nakilalang si Julius Abion ang nahuli at nakumpiska ang isang kal.38 na pinaghihinalaang ginamit nito sa pagpatay sa biktima. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments