Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan, base sa nakalap nilang impormasyon na ang MILFs 103rd Brigade pa mismo umano ang nagkakaloob ng tinatayang 50 fighters upang tumulong sa grupo ng Pentagon na pinamumunuan ni Commander Tahir Alonto.
Ang impormasyon ay isiniwalat ni Cotabato Governor Emmanuel Piñol kaugnay nang naganap na pagdukot sa limang Chinese nationals kabilang ang dalawang nasawi, isang nasagip at dalawa pang hawak ng grupo ng Pentagon o ang MILF lost Command.
Naunang itinanggi ni MILF Vice Chairman for Military Affairs Al Hadj Murad na sangkot sa pagdukot ng Pentagon sa limang Chinese nationals.
Sinabi ni Adan na may 15 katao lamang ang grupo ni Commander Tahir Alonto kung saan ang karagdagan pang mahigit 40 bihasang mga fighters ay galing sa grupo ng MILF na kung saan pinaniniwalaang may parte sa ransom ang separatistang mga rebelde.
Magugunita na nauna nang dinukot ng mga kidnappers ang Chinese engineer na si Zhang Zhung Quiang noong nakalipas na buwan ng Hunyo sa Carmen, Cotabato.
Nitong nakalipas na Agosto 14, nakasagupa ng mga elemento ng militar ang grupo ng mga kidnappers sa Columbio, Sultan Kudarat na ikinasawi ng dalawang kidnap victims na si Zhiang Zhung Quiang, Xue Xin habang nailigtas si Wang Shung Li at bihag pa rin ang kapatid ni Quiang na si Zhiang Zhung Li. (Ulat ni Joy Cantos)