Utol pinatay ni kuya dahil sa selos

Patuloy pa ring nagkakatotoo ang kasaysayang nakatala sa Holy Bible na pinatay ni Cain ang nakababatang kapatid na si Abel dahil sa selos.

Ito ay muling nangyari sa magkapatid na Losaria makaraang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng isang 29-anyos na lalaki ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki dahil lamang sa matinding selos kamakalawa ng gabi sa kanilang bahay sa Sitio Maganhop, Brgy. Poblacion, Bingawan, Iloilo.

Idineklarang patay sa Calinog District Hospital ang biktimang si Jerry Losaria, 27, samantala ang suspek na nakapiit ngayon sa Bingawan PNP detention cell ay kinilalang si Joebert Losaria na kapwa residente ng naturang lugar.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, lumalabas na nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang magkapatid tungkol sa malimit na pagbibigay ng pabor ng magulang sa biktima.

Bandang alas-10:30 ng gabi nang magtalo at sagutin umano ng pabalang ng biktima ang kanyang kuya kaya nagdilim na ang paningin ng suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ng patalim.

May teorya ang pulisya na pagseselos ang naging ugat ng pangyayari kaya nagawang patayin ng suspek ang kanyang kapatid. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments