NPA leader todas, 2 pa kritikal sa sagupaan

FORT MAGSAYSAY, Palayan City — Isang pinuno ng Aurora Provincial Party Committee (APPC) ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang iniulat na nasawi habang dalawa pa nitong kasamahan ang malubhang nasugatan at naaresto makaraan ang isang sagupaan ng tropa ng militar noong Martes ng umaga sa Dinalongan, Aurora.

Kinilala ni Major General Ernesto Carolina, commanding general ng 7th ID ang lider ng NPA na si Sonny Pajarito, alyas Ka Raymond at dalawa nitong kasamahan na sina Jerrimie Bobis at Allan Gonzales at kapwa tubong Baler, Aurora na ngayon ay ginagamot sa Casiguran District Hospital.

Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa panig ng mga tauhan nina 1st Lt. Honorato Pascual at Lt. Col. Herbert Yambingng 70th Infantry Battalion ng Phil. Army.

Base sa ulat na isinumite kay Major Rhoderick Parayno, naganap ang sagupaan ng mga rebelde at tropa ng militar sa Sitio Inipit, Brgy. Simbahan, Dinalongan bandang alas-5:30 ng umaga noong nakaraang Agosto 21, 2001.

Tumagal ng may ilang minuto ang palitan ng putok saka nagsiatras ang mga rebelde at nakakumpiska ang militar ng dalawang M-16, isang M-14 armalite rifle at isang M-203 grenade launcher at isang icom radio sa pinangyarihan ng sagupaan.

Umaabot na sa 40 bilang ng rebeldeng NPA ang napapatay ng tropa ng pamahalaan nitong kasalukuyang taon sa nagaganap na sagupaan. (Ulat ni Manny Galvez)

Show comments