Lolo pinatay ng Akyat-Bahay gang

IMUS, Cavite – Isang 73-anyos na lolo ang iniulat na pinagpapalo hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng ‘Akyat-Bahay Gang’ saka nilimas ang mga mamahaling gamit sa binabantayang bahay ng biktima sa Brgy. Anabu-2-A ng bayang ito, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Proseco Malabad, caretaker ng Sabater Apartment sa Blk. 44 Lot 18 Pallas Athena ng nabanggit na lugar at residente ng Brgy. Poblacion.

Sa isinumiteng ulat ni SPO1 Elmer Amposta kay P/Supt. Eduardo Untalan, hepe ng bayang ito na ipinagbigay-alam ng isang malapit na kamag-anak ng biktima sa himpilan ng pulisya ang pangyayari bandang ala-1 ng madaling araw.

Nabatid pa sa ulat ng pulisya na walang matagpuang sugat sa katawan ng biktima na likha ng patalim maliban sa palatandaang pinalo sa likurang bahagi ng ulo na ikinamatay nito.

"Pagnanakaw ang motibo ng krimen dahil sa nawawala ang mga mamahaling gamit sa bahay at wallet ng biktima", ani Untalan. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments