Bunga nito ay inatasan ni Interior and Local Government Sec. Joey Lina si PNP-Regional Police Office 2, Director C/Supt. Dominador Resos na palakasin ang puwersa para tugisin ang mga pumugang preso at maibalik sa kanilang mga kulungan.
Nadiskubre ang pagtakas ng mga preso na napatunayang nagkasala sa mga krimen tulad ng pagpatay, panggagahasa at iba pa kahapon ng madaling araw habang nakatakda sanang ilipat sa kostudya ng Bureau of Corrections sa Muntinlupa City.
Batay sa report, isang hindi nakilalang ginang ng isang preso ang dumalaw kamakalawa ng gabi at dahil sa pribilehiyo nito sa ilalim ng "conjugal visit" ay pinayagan itong matulog magdamag.
Lingid sa kaalaman ng mga jail officers na ang nasabing misis ay may dala umanong mga lagare na siyang ginamit ng mga preso para lagariin ang bintanang bakal ng selda.
Bandang ala-1:30 ng madaling araw ay doon lamang nadiskubre ng mga jailguards ang nangyaring pagpuslit ng mga preso na malaki ang paniwala na gabi pa tumakas.
Nakatakda ring imbestigahan ang mga nakatalagang jailguards para kuwestiyunin kung paano nailusot sa selda ang mga lagareng ginamit. (Ulat nina Joy Cantos at Jhay Mejias)