Ang mga nailigtas na kidnap victims ay nakilalang sina Hasmin Bonglarawan at Mona Pamanay, pawang mga businesswoman na dinukot noong Agosto 5 sa Novaliches, Quezon City, bago dinala sa Sunset Hotel sa Angeles City.
Nadakip naman ang mga suspek na sina Jeffrey Paderon, 24, salesman, ng Balong-Bato, Quezon City; Ric Reyes, 36, driver ng San Jose Concepcion, Tarlac at Cristy Gozon, 18 ng Dau, Mabalacat.
Iniharap ang mga suspek kahapon sa ginanap na press briefing sa Camp Crame nina PNP Chief Director General Leandro Mendoza at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Chief Supt. Nestorio Gualberto.
Nabatid na naunang pinalaya ng mga suspek si Bonglarawan upang ipaabot nito sa kanyang mga kamag-anak ang hinihingi nilang P2 milyong ransom money.
Nagbanta pa ang mga ito na papatayin si Pamanay sa oras na magkamali si Bonglarawan na magsumbong sa pulisya. Gayunman, nakipag-ugnayan pa rin ang pinalayang kidnap victim sa awtoridad hanggang sa itakda ang pay-off kamakalawa ng umaga sa harapan ng Jollibee food store sa Dau, Pampanga.
Gamit ang Toyota Corolla na may plakang UTK-520 ay dumating ang mga suspek sa pay-off site at nasa aktong tumatanggap ng P2 milyon na boodle money nang dakpin ang mga ito.
Matapos nito ay tuluyan namang naisalba ng pulisya ang isa pang kidnap victim na si Pamanay sa nasabing hotel. (Ulat ni Joy Cantos)