Smart Tower pinasabog

DAET, Camarines Norte – Dahil sa kabiguang magbigay ng revolutionary tax ng pamunuan ng Smart Communications sa nabanggit na lalawigan, isang cell site tower ng naturang kompanya ang iniulat na pinasabog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA), kamakalawa ng gabi sa Purok 2, Brgy. Cobangbang ng bayang ito.

Walang nagawa ang mga guwardiya ng Smart tower nang pasabugin ng mga rebelde bandang alas-6:15 ng gabi dahil sa pinaligiran sila habang nakatutok ang malalakas na kalibre ng baril.

Makaraan ang pagpapasabog sa nabanggit na tower ay isinama pa ng mga rebelde ang mga security guard dala ang mga baril sa isang Tamaraw FX na may plakang EVB-999 na pag-aari ng MPRP.

Narekober naman ng mga awtoridad ang ginamit na sasakyan ng mga rebelde sa Brgy. Bibirao, Daet at ang mga sekyu ay pinababa sa lugar ng Bliss Magang.

Hindi pa mabatid ng mga imbestigador ang halaga ng Smart tower na pinasabog ng mga rebelde na pinaniniwalaang aabot sa milyong piso. (Ulat ni Francis Elevado)

Show comments