Ayon sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, bandang alas-7:30 ng umaga nang salakayin ng hindi pa mabatid na bilang ng mga rebelde ang Summet Construction sa Brgy. Simlong ng nasabing lungsod.
Wala umanong nagawa ang mga empleyado at mga manggagawa ng nasabing kumpanya nang buhusan ng gasolina ang dalawang dump trucks na nagkakahalaga ng aabot sa P2 milyon at kapagdakay sinilaban ito.
Mabilis namang nagsitakas ang mga rebelde patungo sa hindi pa malamang destinasyon na nagbanta pang muling babalik at isasabotahe ang naturang construction company kapag hindi tumalima ang may-ari nito na magbayad ng revolutionary tax sa kanilang kilusan. (Ulat ni Joy Cantos)