20 bangkay nahukay sa Baguio mudslide

Dalawampung naaagnas na bangkay ang narekober ng search and retrieval operations team kaugnay ng patuloy na operasyon upang hukayin ang mga residenteng natabunan ng mudslide at landslide bunga ng pananalanta ni "Feria" sa magkakahiwalay na operasyon sa bulubunduking bahagi ng La Trinidad, Benguet at Baguio City.

Base sa ulat na ipinalabas kahapon ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), tumaas na sa 121 ang "Feria" death toll matapos marekober sa ilalim ng mga gumuhong lupa sa La Trinidad, Benguet at Baguio City ang naturang mga bangkay.

Nabatid na puspusan pa rin ang isinasagawang paghuhukay ng mga government rescuers sa mga gumuhong bahagi ng nasabing probinsya upang makuha ang iba pang mga biktima ng landslide.

Napag-alaman na 44 katao pa ang nawawala habang umabot na sa 130 katao mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ng Luzon na grabeng naapektuhan ng nasabing bagyo, ang naiulat na nasugatan, karamihan dito ay mga bata.

Masusi namang tinitingnan ngayon ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Baguio City at Benguet ang mga ulat na dahil sa mga bagong squatter settlement sa nasabing probinsya ang naging sanhi ng mga grabeng pagbaha at pagguho ng lupa na ikinasawi ng mahigit sa 30 katao at ikinasugat pa ng marami.

Nabatid na dahil sa mga bagong tayong mga squatter settlements sa nasabing probinsya, partikular na sa Dominican Hill, Quirino Hill at Quezon Hill, tuluyan nang nabarahan ang mga daluyan ng tubig kung kaya nagkabaha.

Samantala, base pa rin sa NDCC, ang mga sumusunod na mga tulay at kalsada ay nananatiling sarado o di kaya’y bahagya pa lang na binuksan na kinabibilangan ng mga sumusunod:

• Ilocos Sur —
Naguillian, Quirino Bridge sa Narvacan, Bayugao Bridge sa Sta. Cruz at Badoc Bridge.

• Pangasinan
— Bugayong Bridge.

• Cagayan
— Quilban Detour.

• Panablanca
—Tawi Bridge

• Gattaran
— Calaoagan Bassit, Maharlika Highway mula Region 2 hanggang Metro Manila.

• Baguio City
— Marcos Highway (bahagyang bukas), Bontoc-Baguio Road, Benguet-Nueva Vizcaya Road (isang lane lang ang bukas), Pacdal Road, Baguio-Naguillian Road.

• Kalinga
— Tabuk-Banawe Road, Kalinga-Abra Road, Mt. Province-Calanan Road, Dasoy Bridge. (Ulat nina Joy Cantos at Jeff Tombado)

Show comments