Trader pinatay sa harap ni misis

TIAONG, Quezon – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang negosyante ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki na pinaniniwalaang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa harapan ng kanyang misis sa loob ng tindahan kamakalawa ng gabi sa Barangay Talisay ng bayang ito.

Ang biktima na nagtamo ng tatlong bala ng baril sa ulo ay nakilalang si Roberto Alvarez, 37, may asawa at residente ng nabanggit na barangay.

Napag-alaman ng pulisya na dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang krimen.

Nagpanggap na bibili ng sigarilyo sa tindahang pag-aari ng biktima ang dalawang suspek subalit pagtalikod ng biktima ay pinaputukan na ito.

May teorya ang pulisya na tumatangging magbigay ng revolutionary tax ang biktima sa grupo ng mga rebelde kaya ito tinuluyan. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments