Militar vs MILF: 2 sundalo, 5 rebelde todas

Dalawang sundalo ang napatay habang lima naman ang nalagas sa panig ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa panibagong sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng rebelde sa Sirawai, Zamboanga del Norte kamakalawa.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Armed Forces of the Phil. (AFP) Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva, nag-umpisa ang engkuwentro, dakong 9:45 ng umaga sa liblib ng Brgy. Sipakit, Sirawai, Zamboanga del Norte.

Kinilala ang dalawang nasawing sundalo na sina Pfc. Rabon at Pfc. Shaik at ang mga nasugatan naman ay sina Pfc. Paradiang at Pfc. Biko, pawang ng Army’s 44rth Infantry Battalion (IB) na nakabase sa nasabing lugar.

Gayunman, wala pa ring makuhang mapagkikilanlan sa mga nasawing MILF rebels.

Napag-alaman na kasalukuyang nagpapatrulya ang mga elemento ng 44rth IB sa pamumuno ni Lt. Sabangan nang makasagupa ang 30 rebeldeng MILF na pinamumunuan ni Said Aban alyas Commander Aguila sa nasabing lugar.

Dakong 12:15 naman ng tanghali nang masabat ng reinforcement troops ng pamahalaan ang papatakas na mga kalaban na nagbunsod sa panibagong sagupaan sa Sipakit Complex.

Lima sa mga rebeldeng MILF ang agad na bumulagta at tatlo ang nasugatan tumagal ang engkuwentro ng may 40 minuto. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments