Convoy ng mayor inambus: 2 escort todas, 4 grabe

Napatay ang dalawang security escort ng isang alkalde habang apat pa ang grabeng nasugatan makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Salvador, Lanao del Norte kamakalawa.

Ang nasawing security escort ni Mayor Johnny Tawantawan ng bayan ng Salvador ay kinilalang sina SPO2 Restituto dela Cruz at Sgt. Ramon Dacoco ng 26th IB ng Phil. Army .

Samantala, kinilala naman ang mga nasugatan na sina Mosamit Tawantawan, Macasubar Tandayo, Gador Tomanto at Juanito Ebunalo.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang pangyayari ay naganap dakong alas-3:00 ng hapon habang patungo ang convoy ng alkalde sa kabayanan ng Salvador kasama ang kaniyang ilang kamag-anak at mga security escort nang biglang ratratin ng mga suspek.

Tumagal rin ng ilang oras ang pamamaril bago tuluyang nagsitakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng kagubatan ng Lala, Lanao del Norte.

Himala namang hindi tinamaan sa pamamaril ang alkalde na siyang puntirya ng mga rebeldeng MILF.

Naglunsad na ng hot pursuit operations ang magkasanib na puwersa ng Lanao del Norte Provincial Police Office (PPO) at ng 26th Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army laban sa mga nagsitakas na suspek. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments