Magsasaka binistay ng bala ng sariling kapatid

CAMP OLIVAS, Pampanga – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 32-anyos na lalaki ng sariling utol makaraang hindi magkasundo ang dalawa sa sinasakang lupain sa bayan ng Jean, Nueva Ecija, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Marcos Pineda, magsasaka ng Brgy. Hilera, habang ang suspek na ngayon ay tinutugis ng follow -up team ng pulisya ay nakilalang si Jaime Pineda, 37, ng naturang din lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na dakong alas-3:35 ng hapon nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-utol hinggil sa naturang isyu.

Nabatid pa sa ulat na nakapagsalita ng hindi maganda ang biktima sa nakatatandang kapatid subalit umiwas na lamang ang suspek at lumabas ng kanilang bahay.

Subalit sinundan pa ito ng biktima kaya nairita na ang suspek at binunot ang baril na nakasukbit sa baywang at sunud-sunod na pinaputukan ang sariling utol.(Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments