39 gambling personnel naaresto

Inaresto ng mga tauhan ng DILG-Special Operations Group Jericho ang may 39 gambling personnel sa aktong bolahan ng jueteng sa magkahiwalay na lugar sa Bulacan at Pampanga.

Ayon sa ulat ni P/Supt. Raul Castañeda, DILG-SOG Jericho chief, kay interior and Local Government Secretary Joey Lina, unang sinalakay ng kanyang mga tauhan ang bolahan ng jueteng ng isang alyas Ngo-Ngo sa Barangay Dolores, San Fernando City, Pampanga.

Nadakip ang may 24 jueteng personnel ni Ngo-ngo at nakumpiska sa mga ito ang halagang P4,270 bet collections bukod sa iba’t ibang jueteng paraphernalias.

Sumunod na sinalakay naman ng mga tauhan ng SOG Jericho sa pamumuno naman ni Chief Inspector Francisco Santiago ang bolahan ng jueteng sa barangay Tabang, Giguinto, Bulacan bandang alas-10:45 ng umaga.

Inabutan ng mga awtoridad sa aktong nagbobola ng jueteng ang may 15 gambling personnel at nakumpiska ang halagang P4,230 at mga jueteng paraphernalias. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments