Mister pinatay ni misis ng maaktuhang may kalaguyo

CAMP OLIVAS, Pampanga — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang mister ng kanyang misis habang malubhang nasugatan naman ang kalaguyo ng una makaraang maaktuhang nagtatalik sa loob ng tricycle sa brgy. Rio Chico, Gen. Tinio, Nueva Ecija.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Reynaldo Gonzales, 50 ng brgy. Sitio Pantay ng nasabing lugar, habang ang suspek naman na kusang-loob na sumuko sa pulisya ay nakilalang si Milagros Gonzales, 43.

Si Vilma Bote, 30 na umano’y kalaguyo ni mister na malubhang nasugatan sanhi ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na dakong alas-10:45 ng gabi, kamakalawa nang maaktuhan ng misis ang kanyang mister na nakikipagtalik sa nakaparadang tricycle sa isang madilim na lugar.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, mabilis na bumalik ang suspek sa kanilang bahay upang kumuha ng patalim.

Lingid sa dalawa ay kumukuha lamang umano ng tiyempo si misis bago pagsasaksakin ang kanyang mister at kalaguyo nito. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments