Pamilya niratrat: Ginang todas, asawa at anak sugatan

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Isang ginang ang iniulat na nasawi, samantalang nasa malubha namang kalagayan sa pinagdalhang pagamutan ang asawa at isang anak nito, makaraang pasukin ng dalawang hindi nakikilalang lalaki ang kanilang bahay at pagbabarilin ang mga ito habang nag-aalmusal, kamakalawa ng umaga sa Sta. Catalina Subdivision, Barangay Poblacion , Pulihan sa nabanggit na lalawigan.

Sa ulat na tinanggap ni Bulacan PNP provincial director Supt. Emelito Sarmiento, ang ginang na nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa mukha na tumagos sa batok ay nakilalang si Angie Cenon Joson, 42.

Kasalukuyan namang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Hospital sa Sta. Cruz, Maynila ang kalagayan ng mag-amang Reynaldo Joson, 39 at ang anak nilang si Raymond, 18 sanhi ng mga tinamong sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-7:15 ng umaga nang pasukin ng mga suspect ang bahay ng mag-anak habang ang mga ito ay nag-aagahan at walang sabi-sabing pinaulanan ang mga ito ng bala ng baril.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect lulan ng isang motorsiklo.

Hindi pa mabatid ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pamamaril sa mag-anak. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments