Truck nahulog sa bangin: 7 kabataan nasawi

CAMP NAKAR, Lucena City – Pitong kabataan ang iniulat na nasawi, samantalang apat na iba pa ang malubhang nasugatan matapos na mahulog sa isang malalim na bangin ang kanilang sinasakyang six-wheeler truck sa Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon, kamakalawa ng madaling araw.

Ayon sa ulat na tinanggap ni Quezon PNP acting director Senior Supt. Alberto Mercado, nakilala ang mga nasawi na sina Nida delos Santos, 16; Neptali Conchada, 13; Mean Suila, 14; Mark Mae Paloma, 15; Anthony Barte, 14; Ruel Pranada, 12 at Susie Ayura, pawang mga residente ng Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon.

Kasalukuyan namang ginagamot sa CMRD Hospital sa naturang lugar ang mga sugatang sina Joan Asrobida, 11; Liberato Villaflor; Mario Prudante, 30 at Nelsie Abacana.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Romeo Escana, nabatid na dakong alas-1: 30 ng madaling araw ng maganap ang trahedya habang ang mga biktima ay lulan ng six-wheeler truck na minamaneho ni Alfredo Marquez.

Patungo umano ang mga ito sa kabayanan upang idiskarga ang dala nilang mga lawaan lumber at habang tumatakbo ang truck ay biglang nasira ang makina nito at tuloy-tuloy na nahulog sa 10-talampakang lalim ng bangin.

Dahil dito ay nabasag ang mga bungo at nagkabali-bali ang mga buto at katawan ng mga nasawi.

Tumakas na sugatan ang driver ng truck.(Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments