Mister na nagtangggol sa misis, kinatay

TRECE MARTIREZ CITY, Cavite – Dahil sa pagtatanggol sa kanyang misis mula sa kanilang kapitbahay, isang mister ang napatay makaraang burdahan ng saksak sa buong katawan, kamakalawa ng hapon sa Barangay Luciano ng lunsod na ito.

Ang biktimang hindi na umabot pang buhay sa pagamutan sanhi ng dami ng saksak na tinamo nito sa katawan ay nakilalang si Rogelio Tumacder, 27, factory worker at residente ng Barangay Luciano ng nasabing lugar.

Samantalang ang suspect na agad namang tumakas tangay ang ginamit na patalim ay nakilalang si Vicente Ortiz, kapitbahay ng biktima.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Melvin Nuestro, may hawak ng kaso dakong alas-4:30 ng hapon ng maganap ang pangyayari nang magtungo ang biktima sa bahay ng suspect upang kausapin ito hinggil sa ginawa nitong pananapak sa kanyang misis.

Nauwi sa mainitang komprontasyon ang pag-uusap ng dalawa hanggang sa bigla na lamang bumunot ng balisong ang suspect at walang sabi-sabing tinadtad ng saksak ang biktima.

Naglunsad ng manhunt operation ang pulisya laban sa tumakas na suspect. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments