Ang dalawang sibilyan na hindi pa nakikilala ay iniulat na pinugutan ng mga bandido matapos na gamiting pananggalang sa mga humahabol sa kanilang tropa ng pamahalaan, ayon kay Senior Superintendent Candido Casimiro.
Base sa ulat, nagkaroon ng matinding engkuwentro ang tropa ng pamahalaan sa mga miyembro naman ng bandidong grupo noong nakalipas na Martes sa bayan ng Talipao, na dito nasawi ang sampung miyembro ng ASG. Wala namang iniulat na nasawi sa panig ng pamahalaan.
Habang tumatakas, dalawang villagers ang sapilitang dinala ng mga rebelde na para gamiting pananggalang, gayunman di naglaon ay pinugutan din nila ng ulo ang mga ito.
Matapos ang paglalabanan, narekober ng tropa ng pamahalaan ang sampung bangkay ng ASG, maging ang dalawang sibilyan na pinugutan ng mga ito.
Samantala, nabibilang na umano ang araw ng nalalabi pang hardcore na mga lider at miyembro ng mga bandidong grupo.
Itoy matapos na ipangako ni Col. Renato Miranda, commander ng 2nd Marine Brigade na nag-ooperate sa Jolo, Sulu na sa loob ng dalawang buwan ay sisikapin nilang malupig ang mga bandidong grupo at ligtas na mabawi ang natitirang bihag ng mga ito na si Roland Ullah, isang Filipino diving instructor. (Ulat nina Joy Cantos at Rose Tamayo)