Bangka tumaob: 5 katao patay, 1 pa nawawala

CAMP NAKAR, LUCENA CITY – Lima katao ang iniulat na nasawi, samantalang isa pa ang nawawala makaraang tumaob at tuluyang lumubog ang isang bangkang de-motor sa karagatang sakop ng Barangay Pinaglapatan, Infanta, Quezon, kamakalawa ng umaga, ayon sa ulat na tinanggap ng Quezon Police Provincial Office.

Ayon sa ulat na tinanggap ni Supt. Alberto Mercado, OIC Quezon PNP, kinilala ang mga nasawi sa pagkalunod na sina Melanie Bruan, 58; Arlene Bruan, 11; Francisco Montillano, 32; Noel Tabangan at Cerilo Belda ng Barangay Umiray, Infanta, Quezon.

Sinasabi sa ulat ng pulisya na dakong alas-9 ng umaga ay naglalayag ang bangkang sinasakyan ng may 12 katao patungo sa Infanta, Quezon nang salpukin ng higanteng alon sa gitna ng karagatan na naging dahilan upang tumaob hanggang sa tuluyang lumubog ang naturang sasakyang pandagat.

Mabilis namang nasagip ang ibang pasahero at dinala sa Pinaglapatan Pier, gayunman minalas na malunod at masawi ang lima sa mga ito, habang pinaghahanap pa ang isang pasahero na hindi agad nakuha ang pangalan.

Labis na nagtataka ang mga survivor sa biglang pagkakaroon ng higanteng alon, gayung nasa kainitan ang panahon. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments