Kapitbahay tinodas dahil sa banggaan ng balikat

CAINTA, RIZAL – Dahil lamang sa simpleng banggaan sa balikat, sumiklab ang matagal nang kinikimkim na galit ng dalawang magkapitbahay na nagresulta ng pagkamatay ng isa nang maunahang masaksak sa gitna ng kanilang pagbubuno, kamakalawa ng gabi sa bayang ito.

Ideneklarang patay sa loob ng Pasig General Hospital ang biktimang si Francisco Valenzuela, 40, walang trabaho, at residente ng Kabisig St., Floodway, Bgy. San Andres, ng bayang ito dahil sa tama ng saksak sa dibdib.

Kusang-loob namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na si Benjamin Castillo, alyas Larry, 30, binata at residente rin ng naturang lugar. Isinuko rin nito ang kutsilyo na ginamit niya sa pamamaslang.

Sa ulat ni SPO3 Francisco Villa, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi. Naglalakad sa isang eskinita si Valenzuela pauwi na ng kanyang bahay nang makasalubong si Castillo.

Nabatid na kusang ibinangga umano ni Castillo ang kanyang balikat sa biktima sanhi upang magkaroon ng pagtatalo. Nabatid naman mula kay Villa, na matagal na umanong may alitan ang dalawa at matagal nang hindi nagpapansinan.

Nagkaroon ng pambuno sa pagitan ng dalawa hanggang sa mabunot ni Castillo ang dalang 12 pulgadang patalim at sinaksak si Valenzuela sa kaliwang bahagi ng dibdib. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments