"Pagpugot ng ASG sa anim na sundalo, psywar lang"- Abaya

Walang katotohanan at isang uri ng psywar ng mga bandidong Abu Sayyaf ang pagpapakalat ng balitang may anim na sundalo ang pinugutan nila ng ulo sa isang sorpresang pag-atake sa Patikul, Sulu, kamakailan.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Major Gen. Narciso Abaya, chief ng 1st Infantry Division ng Phil. Army.

Ayon kay Abaya hindi totoo ang ipinangalandakan ni ASG spokesman Abu Ahmad al Salayuddin, alyas Abu Sabaya , dahilan sa wala ni isa man sa tropa ng pamahalaan base sa isinagawa nitong beripikasyon sa mga ground commanders ng militar ang napugutan ng ulo ng mga bandidong grupo nitong nakalipas na linggo o kahit nitong mga nagdaang araw.

Ipinalalagay ng opisyal na ito ay isang pyswar ng ASG upang palitawin na malakas pa rin ang kanilang grupo na malaking puwersa na ang nalagas simula ng maglunsad ng all-out-war laban sa mga ito ang pamahalaan sa kainitan na rin ng nangyaring hostage crisis sa Sulu.

Sa katunayan , ayon pa kay Abaya ay nagsanib na ang grupo ng mga lider ng ASG dahilan sa mahina na ang kanilang puwersa at kinakailangan na ang mga itong magtulungan.

Magugunitang noong nakalipas na Lunes ay nagsalita sa DXRZ Radyo Agong si Sabaya na sinalakay ng kanilang grupo ang isang military outpost sa Budbud, Patikul kung saan 11 sundalo ang kanilang napatay at anim sa mga ito ang pinugutan nila ng ulo.

Ipinaliwanag naman ng heneral na kung may casualty nga sa tropa ng pamahalaan ay hindi nila ito maaaring itago dahil sa hahanapin ang mga ito ng kanilang mga pamilya. (Ulat ni Joy Cantos )

Show comments