Mag-asawa pinatay dahil sa kalabaw

MASBATE CITY – Dahil lamang sa kalabaw, isang mag-asawa ang nagbuwis ng buhay makaraang sila ay pagtatagain ng mag-ama na sapilitang kumukuha sa kanilang alagang kalabaw sa Sitio Banag, Barangay Usab sa lunsod na ito, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mag-asawang biktima na sina Lodegario Agelo, 27, magsasaka at ang misis nitong si Emma Agelo, 25, residente sa nabanggit na lugar.

Agad namang nadakip ang mag-amang suspect na nakilalang sina Vicente Cabatingan, 51 at anak na si Sonny, 18.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas- 9:30 ng gabi habang ang mag-asawang biktima ay nakasakay sa kanilang kalabaw papauwi sa kanilang bahay nang harangin ng mag-ama sa may Sitio Badiag, Barangay Tugbo.

Sa hindi malamang dahilan sapilitang kinukuha ng mag-ama ang dalang kalabaw ng mag-asawa, gayunman nanlaban ang mag-asawa kung kaya pinagtataga sila ng mga suspect na naging daan ng kanilang agarang kamatayan.

Matapos ang ginawang krimen tumakas ang mga suspect dala ang kalabaw ng mag-asawa.

Kaagad naman na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad hanggang sa masakote ang mga suspect at marekober sa kanila ang naturang kalabaw.

Ang mag-ama ay kasalukuyang nakapiit sa Masbate City Jail at inihahanda na ang kaso laban sa mga ito. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments