4 katao todas car crash

SAN FERNANDO CITY – Isa na namang madugo at malagim na insidente ng banggaan ang naganap sa kahabaan ng MacArthur Hi-way kung saan apat na katao ang kumpirmadong nasawi at siyam pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos magsalpukan ang isang kotse at Fiera sa Barangay Dela Pas Norte, San Fernando City, Pampanga, kamakalawa.

Kinilala ng San Fernando City-PNP ang mga nasawing biktima na sina Terry Dizon, 40; Felicidad Gamboa, 64, Lily Sese, 65; pawang naninirahan sa Barangay Sta. Ana, Pampanga at Francis Miclat, 22, residente ng Rolling Hills, Barangay San Nicolas, Bamban, Tarlac.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Edgardo Balajadia ng San Fernando City Police Traffic Management Unit (TMU), nabatid na minamaneho ni Miclat ang isang kulay abong Toyota Corolla na may plakang PPT-580 lulan ng ilan pang mga biktima dakong alas-5:15 ng umaga nang mawalan ng kontrol patungong norte sa kahabaan ng MacArthur Hi-way sa Barangay Dela Pas Norte at mabilis na sumalpok sa kasalubong nitong isang XLT-Fiera na may plakang CLS-87 na minamaneho naman ni Rivera.

Dead-on-the-spot sa mismong pinangyarihan ng insidente ang mga nabanggit na biktima na lulan sa kotseng minamaneho ni Miclat sanhi ng malakas na pagkakasalpok ng kanilang sinasakyan, samantalang ang iba naman na lulan sa XLT-Fiera ay nagkaroon ng malalalim na sugat at galos at mga pasa sa kanilang mga katawan at kaagad na dinala sa magkakahiwalay na pagamutan sa naturang lungsod. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments