Ang biktima na tadtad ng tama ng bala ng baril sa katawan ay kinilala ni Chief Inspector Eduardo Untalan , hepe ng pulisya sa bayang ito na si Mariano Feliciano, 46, at isang barangay kagawad sa nasabing lugar.
Samantalang ang suspect na mabilis na tumakas dala ang ginamit na baril ay nakilalang si Barangay Captain Crispo Nato.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya dakong ala-1 ng madaling araw ng maganap ang insidente, habang ang biktima ay nasa loob ng bahay at natutulog nang dumating ang isang kapitbahay na nakilalang si Gng. Lorna Ceromo.
Humihingi ito ng tulong sa konsehal hinggil sa isa niyang kamag-anak na inimbitahan ng kapitan sa barangay hall at doon pinagbubugbog.
Agad namang sinamahan ng konsehal sa barangay hall si Ceromo upang alamin ang katotohanan ng sumbong, subalit nasa tapat pa lamang sila ng barangay hall ay sinalubong na sila ng barangay captain at saka pinagbabaril ang biktima.
Matapos makitang humandusay ang konsehal, mabilis namang tumakas ang barangay captain. Ang lahat ay nasaksihan ni Ceromo.
Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Ulat nina Cristina Timbang at Mading Sarmiento)