Rehabilitasyon ng PNR dapat na madaliin

Ang Philippine National Railways (PNR) ang siyang pangunahing pasilidad na kailangan sa rehiyon ng Bicol upang makatulong sa pagpapa-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Sa malawak na sira ng PNR maraming bagay ang naapektuhan na kinabibilangan ng pagdadala ng mga kalakal mula sa Bicol region patungo sa Kalakhang Maynila.

Para kay Senator Franklin Drilon, kailangan na maibalik sa dati ang PNR dahil ito lamang ang inaasahan ng mga mamamayan upang madala ang kanilang mga kalakal at maibenta sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila.

Ito rin ang ikinukonsiderang pinakamura at pinakamabilis na uri ng transportasyon kung kaya’t marami ding mga manggagawa ang pilit na sumasakay sa mga tren upang maiwasang mahuli sa kanilang mga papasukan.

Ayon kay Drilon, panahon na upang maibalik ang dating ganda ng PNR dahil kailangan na rin ng Pilipinas ang competition sa ibang bansa.

Inamin ni Drilon na halos binalewala ng mga nagdaang administrasyon ang rehabilitasyon ng PNR kung kaya’t igigiit niya ngayon sa administrasyong Arroyo ang pagsasa-ayos nito.

Lumilitaw din sa record ng pulisya na ang kalumaan ng PNR ang siyang pangunahing dahilan ng mga aksidente.

Maiiwasan umano ang anumang aksidente sa tren kung pagbubutihin at isasa-ayos ng pamunuan ng PNR ang kanilang sistema.

Bunga na rin ng tinaguriang Bicol Express, sinabi ni Drilon, na muli niyang ibabalik ang pagiging tanyag ng naturang pasilidad ng bansa. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments