Sa isang press statement, sinabi ni Luis Jalandoni, chairman ng NDF negotiating panel na ang hakbang ay bilang pagtalima sa idineklarang pagpapatigil ng opensiba ng AFP at PNP.
Ayon kay Jalandoni, ipatutupad nila ang ceasefire sa pitong lalawigan ng CALABARZON na kinabibilangan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon , gayundin sa Oriental at Occidental Mindoro. Ang direktiba, ayon pa kay Jalandoni ay ipinarating na sa lahat ng CPP-NPA Southern Tagalog Regional Committee partikular na sa Melito Glor Command na siyang may hawak kay Buan.
Binanggit pa nito na ang ceasefire ay oobserbahan ng kanilang mga tauhan simula bukas (Marso 17) na tatagal hanggang sa Abril 11 ng taong kasalukuyan.
Idinagdag pa nito na nakikipagpulong na ang Southern Tagalog Regional Committee ng CPP sa Melito Glor Command ng NPA, International Committee ng Red Cross, humanitarian peace mission, GRP negotiating panel at iba pang concerned parties para itakda ang agarang pagpapalaya kay Major Buan. (Ulat ni Joy Cantos)