Kinilala ni Superintendent Samuel Pagdilao, Cavite Provincial Director ang nasawi na si Cornelio Lara, 57, na sinasabing isang civilian agent ng DILG Katapat base na rin sa nakuhang ID dito.
Habang dalawang kasamahan nito ang iniulat na tumakas matapos ang naganap na engkuwentro.
Batay sa ulat, nakasagupa ng grupo ng biktima ang mga miyembro ng Cavite Intelligence na nakilalang sina SPO1 Concordio Talingting, SPO1 Danilo Nobero, PO3 Nikomedes Hernandez at PO2 Joey Saulog dakong alas-8:30 ng gabi.
Binanggit pa sa ulat na kagagaling pa lamang ng grupo ng Cavite police sa isang operation lulan ng isang asul na Mitsubishi Lancer nang bigla na lamang umanong tumawid ng wala sa lugar ang grupo ng biktima na noon ay pawang mga lasing at my bitbit na baril.
Sinita umano ang mga ito ng mga pulis, ngunit sa halip na makinig ay nagalit umano ang grupo ng biktima sabay pagsasabing sila rin ay mga pulis.
Dito na nagsimula ang mainitang pagtatalo ng dalawang grupo hanggang sa marinig na ang sunud-sunod na putok ng baril galing sa magkabilang panig.
Nang tumigil ang putukan ay nakitang nakahandusay si Lara, habang ang dalawa nitong kasamahan ay mabilis na tumakas.
Nasamsam sa nasawi ang isang cal. 38 na baril na walang lisensiya at ang ID ng DILG Katapat.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad ukol sa insidente. (Ulat ni Cristina Timbang)