Sa kaniyang official statement, mahigpit na pina-iimbestigahan ng Pangulo ang nangyaring hazing sa PMA na dapat ay naitigil na ito sa dahilang isa itong criminal offense sa ilalim ng Republic Act No. 3049 o anti-hazing law.
Iniutos ng Pangulo sa PMA at iba pang military at police schools na itigil na ang mga pagmamaltrato, hazing at iba pang uri ng iligal na pagpaparusa sa mga kadete.
Kasabay nito, pinamamadali ni Pangulong Arroyo kay AFP Chief of Staff General Angelo Reyes ang pagsisiyasat sa nasabing insidente ng hazing na ikinamatay ng isang kadete na nakilalang si Edward Domingo dahil sa tinamong pagpapahirap sa kamay ng mga upperclassmen nito.
Pinatitiyak ng Pangulo kay Reyes na mapapatawan ng parusa ang mga suspect ng hazing na kasalukuyang nakakulong sa stockade ng PMA sa Baguio City.
Ikinalungkot at ikinagulat ng Pangulo ang nasabing insidente at umaasa ito na hindi na muling mauulit ang sinapit ni Domingo. (Ulat ni Ely Saludar)