Ito ang pagtatanong kahapon ng isang mambabatas na nagsabing huli na ang pagdedeklara ng 30-days Suspension of Military Operation (SOMO) sa Southern Tagalog dahil napatay na ang hostage ng New Peoples Army (NPA) na si Chief Inspector Abelardo Martin.
Ito ang panghihinayang na pahayag ng Muslim solon na tumangging magpabanggit ng pangalan at labis na nanghihinayang sa buhay ni Martin dahil kung napaaga lang sana aniya ang deklarasyon ng SOMO ni Pangulong Macapagal-Arroyo hindi na umano umabot pa sa kamatayan si Martin.
Ibinunyag ng mambabatas na hindi lamang si dating Pangulong Joseph Estrada ang nagmatigas kundi si Arroyo mismo ay nagmatigas na magdeklara ng SOMO sa lugar ng Quezon at karatig lugar nito.
Ngayon lamang aniya ipinag-utos na maging epektibo ito kung kailan huli na ang lahat at patay na si Martin na matagal ring naging bihag ng mga NPA.
Nilantad ng mambabatas na 1998 unang humiling kay Estrada ang grupo ni CPP Chairman Jose Maria Sison at Luis Jalandoni ng SOMO sa Timog katagalugan para umusad ang peace talks subalit naging bingi ang pinatalsik na Pangulo.
Ang kahilingan aniya ay inulit muli ng dalawang lider kay Arroyo, ngunit binalewala rin ito ng bagong lider.
"Kung hindi pa napatay si Martin tiyak na hindi magdedeklara ng SOMO si GMA doon. Siguro natatakot din sila na ganito ang mangyari kay Army Major Noel Buan na nasa kamay din ng grupo", pahayag ng Muslim solon na humiling huwag banggitin ang pangalan. (Ulat ni Marilou Rongalerios)