Nasamsam ng mga pulisya ang 300 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng kalahating milyon at nakabalot sa isang plastic na nakalagay sa isang clutch bag.
Kinilala ni Supt. Donatilo Balabala, ang nadakip na balik-bayan na si Nasef Mohammad, 27, alyas Nasef at nakatira sa Harvard st. Cubao, Quezon City.
Sinabi ni Balabala na si Nasef na kauuwi lamang buhat sa isang bansa at naging aktibo sa pagbebenta ng shabu hanggang sa maging big-time drug pusher sa Laguna matapos na magkaroon ito ng mga koneksyon sa mga lokal drug-dealer at hinihinalang maging sa international drug syndicate.
Matapos makatanggap ng impormasyon ang mga NARGROUP buhat sa isang drug user na may nagaganap na bentahan ng shabu sa jeepney terminal mula sa suspek ay kaagad nagsagawa ng isang linggong surveillance operation ang mga pulisya sa mga lugar na pinagbebentahan ng droga ni Nasef.
Isang ahente ang nakipag-deal ng isang kilo ng shabu kay Nasef subalit nauwi na lamang sa 300 gramo dahil sa kawalan ng supply.
Dakong alas-3:00 ng hapon, nang isagawa ang buy-bust operation habang inaabot ni Nasef ang droga sa isang nagpanggap na poseur buyer na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek. (Ulat ni Ed Amoroso)