Ang mga nasabing nasaklolohan ay ilan sa 101 biktima ng isang illegal recruiter na nakilala sa pangalang Marvin Hernandez, 24, residente ng 124 Hiway, Bo. Borroto, Olongapo City.
Sa panayam ng mga mamamahayag dito, sinabi ng mga biktima na sila ay ni-recruit ni Hernandez ng trabaho sa bansang Taiwan bilang factory workers umano sa Sony at Samsung Industry.
Ayon pa sa mga pahayag ng mga biktima, siningil din sila bawat isa ni Hernandez ng halagang P10,000 para sa kanilang mga papeles papuntang Taiwan, P1,200 para sa kanilang passport at ang P8,000 ay para sa kanilang visa, medical examination at training.
Matapos umano silang makapagbayad ay dinala ang mga biktima ng suspek sa isang bahay-paupahan sa Maynila upang paghandaan nila ang kanilang inaasahang pag-alis papuntang Taiwan.
Subalit ang suspek na si Hernandez ay hindi nagpakita pa sa mga biktima. Dahil sa paghihinalang hindi na sila babalikan ng suspek ay mabilis na nagtungo ang mga biktima sa tanggapan ng pulisya upang magsampa ng reklamo. (Ulat ni Jeff Tombado)