Samantala, sinabi naman ni Supt. Efren Yebra, hepe ng Antipolo police, tatlo sa pitong armadong suspect ang positibong nakilala ng mga saksi sa police pictures na ipinakita sa mga ito.
Ang mga nakilalang suspect ay miyembro ng grupo na sila ring responsable sa naganap na panloloob sa BPI Timog Branch sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Magugunitang pinasok ng mga suspect dakong alas-4:40 ng hapon ang Banco de Oro-Masinag Branch habang abala ang pulisya sa pagkakaloob ng seguridad sa libing ng labor leader na si Ka Popoy Lagman sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.
Hindi pa rin mabatid ang eksaktong halaga ng natangay ng mga suspect. Hindi naman nalimas ng mga suspect ang pera sa vault ng bangko dahil sa agad na nag-time lock at muntik pang makulong ang isa sa mga ito.
Sa kanilang pagtakas nagpasabog ng bungkos ng pera ang mga holdaper sa mga residente at bystanders sa Masinag, Sumulong Highway sa Barangay Mayamot dahilan upang ang mga nagrespondeng tauhan ng pulisya ay maantala sa kanilang isinagawang paghabol sa mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)