3 pang rebelde patay sa sagupaan

ILOILO CITY – Tatlong hinihinalang rebeldeng New People’s Army (NPA) ang iniulat na nasawi, samantalang isa pa ang nadakip sa naganap na sagupaan sa pagitan ng naturang grupo at tauhan ng pulisya, kahapon ng umaga sa Barangay Tabiak, dito.

Nakilala lamang ang tatlong nasawing rebelde sa kanilang alyas na Ka-Roy-Roy, Ka Ronald at Ka Caesar, isa dito ay sinasabing menor-de-edad.

Habang ang nadakip naman ay nakilalang si Reynaldo Bocala, 55, alyas Ka Ros, dating school teacher.

Ayon sa ulat, ang sagupaan ay naganap dakong alas-6:30 ng umaga sa pagitan ng mga miyembro ng PNP at ng mga rebelde na noon ay nasa kubo ng mag-asawang Amado at Nancy Galen, kasama ang kanilang mga anak. Ligtas namang nakalabas sa kanilang kubo ang mag-anak ng magsimula na ang pagpapalitan ng putok ng magkabilang panig na tumagal ng may 30 minuto.

Narekober sa lugar na pinangyarihan ng labanan ang dalawang M-16 armalite rifle, isang garand at isang Super .38 pistol. Binanggit pa sa ulat na si Bocala ay education secretary ng NPA at asawa ni Concha Araneta, chairperson ng Regional Committee ng NPA dito. (Ulat ni Leo Solinap)

Show comments