3 katao todas sa ambush ng MILF rebels

Tatlo katao ang kumpirmadong nasawi makaraang paulanan ng bala ng baril ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa isa na namang insidente ng karahasan sa Carmen, Cotabato, kamakalawa ng tanghali.

Namatay noon din ang mga biktima sa lugar na pinangyarihan ng pananambang at isa pa lamang sa mga ito ang nakikilala, ito ay si Ricbon Salama, dating miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at dalawa pang sibilyan na beneberipika pa ang mga pangalan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Phil. Army, dakong alas-11:20 ng umaga ng maganap ang pananambang.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon kasalukuyang lulan ng motorsiklo ang tatlong sibilyan habang bumabagtas sa bisinidad ng Sitio Manggahan, Barangay Kibenes sa bayan ng Carmen ng biglang sumulpot ang mga suspect.

Agad na pinaulanan ng bala ng baril ang mga biktima.

Matapos ang isinagawang pananambang ay mabilis namang nagsitakas ang mga rebelde.

Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na paghihiganti ang motibo sa naganap na pamamaslang sa tatlong biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang pagtugis ng mga awtoridad sa mga nagsitakas na suspect. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments