3 Sayyaf todas sa engkuwentro

Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napaslang, habang marami pa ang nasugatan makaraan ang madugong pakikipag-engkuwentro sa tropa ng militar sa liblib ng coastal village ng lalawigan ng Sulu, kamakalawa.

Ang pinakahuling sagupaan ay naitala sa kainitan na rin ng mahigpit na paninindigan ng militar na huwag makipagnegosasyon sa grupo ng mga teroristang grupo matapos na magbanta ang mga itong papatayin ang dalawa pang hostages na sina black American Jeffrey Craig Edwards Schilling at ang Filipino diving instructor na si Rolland Ullah.

Sa report na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, naganap ang engkuwentro dakong alas- 10 ng umaga nang magpang-abot ang tropa ng Scout Rangers at ang mahigit sa 20 miyembro ng ASG sa Barangay Lungagad sa bayan ng Indanan ng nasabing lalawigan.

Tumagal ang labanan ng may 15 minuto na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo sa mga rebelde. Inaalam pa ang pangalan ng mga ito.

Kasabay naman nito, inihayag ni AFP spokesman Brig. Gen. Generoso Senga na hindi puwedeng takutin ang militar sa banta ng ASG na papatayin nila ang mga natitira nilang bihag.

Nauna nang ibinasura ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pakikipagnegosasyon sa Abu Sayyaf dahilan sa pagiging bandido ng naturang grupo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments