Sikyu todas sa duwelo

TRECE MARTIRES CITY – Sabog ang ulo at tadtad ng tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang isang security guard makaraang pagbabarilin ng kapwa niya sikyu, kamakalawa ng gabi sa Regina Ville Subdivision sa Barangay Inocencio ng lunsod na ito.

Nakilala ang nasawi na si Alfredo Vinzon, 30, security guard sa nabanggit na subdivision at naninirahan sa Nawasa St., Barangay Sta. Rosa, Noveleta, Cavite.

Samantalang ang suspect na mabilis na tumakas matapos ang naganap na krimen ay nakilalang si Nicanor Morales, alyas Nick, kasamahan ng biktima. Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-10 ng gabi habang naka-duty ang suspect ng dumating ang biktima na noon ay lasing.

Sinita umano ng suspect ang biktima kung bakit ito nag-inom samatalang siya (biktima) ang susunod na magdu-duty.

Napikon umano ang nasawi sa pagkakasita sa kanya ng suspect na dito nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa.

Ang pagtatalo ay nauwi sa pamamaril ng suspect sa biktima na namatay noon din. Mabilis namang tumakas ang suspect dala ang ginamit na baril. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments