Ayon sa ulat, tumagal ng may dalawang oras ang naganap na pagpapalitan ng putok ng magkabilang panig na nagsimula dakong alas- 10 ng umaga kamakalawa sa Barangay Tukay ng nabanggit na bayan.
Kasabay naman nito, tinanggihan ng militar ang apela ng ASG na buksan ang negosasyon para sa ligtas na pagpapalaya sa tatlo pang natitira nilang bihag sa Sulu.
Ayon kay Col. Hilario Atendido, tagapagsalita ng Southern Command na isang platoon ng mga sundalo buhat sa 77th Infantry Battalion ang nagsagawa ng combat patrol sa naturang lugar nang masagupa ang may 100 bandidong ASG na pinamumunuan ni Kumander Radulan Sahiron.
Tinatayang sampung mga rebelde ang nasawi sa naganap na labanan, habang marami pa sa mga bandido ang nasugatan at dinala ng tumakas nilang mga kasamahan.
Isa naman ang sinasabing nasawi sa panig ng pamahalaan.
Samantala, tinanggihan ng militar ang apela ng ASG na buksan ang negosasyon para sa ligtas na pagpapalaya sa mga natitira nilang bihag, kabilang dito ang Amerikanong si Jeffrey Schilling, ang Pinoy na dive master na si Roland Ullah at ang pinakahuli nilang biktima na si Steven Chua, Taiwanese national. (Ulat ni Roel Pareño)