2 kawani ng Bureau of Fisheries niratrat, 1 patay

PAGBILAO, Quezon Dalawang kawani ng Bureau of Fisheries na nakabase sa bayang ito ang pinagbabaril na nag-iisang suspect na nagresulta sa pagkasawi ng isa sa mga biktima at malubhang pagkakasugat ng isa pa, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Palsabangon sa bayang ito.

Kinilala ni Chief Insp. Vilmor Manzano, chief of police sa bayang nabanggit ang nasawing biktima na si Vicente Intatano, 28, may-asawa at residente ng Brgy. Mayao Parada, Lucena City. Nasa kritikal namang kondisyon ang isa pang biktima na si Rogelio Jugos, ang dalawa ay kapwa kawani sa Bureau of Fisheries.

Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang tumakas na suspect na nakilalang si Rolando Torreberde Jr., 26, ng Brgy. Ikirin, sa bayang ito.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Allan Falqueza, may hawak ng kaso na naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi ay tinungo ng sugatang si Jugos ang isang fish pond at binuksan ang gate bulb nito.

Biglang lumabas mula sa karimlan ang suspect na si Torreberde na armado ng shotgun at pinaputukan si Jugos na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bagamat sugatan ay nakatakbo pa ito subalit hinabol pa rin ng suspect. Isang putok pa ang pinakawalan ng suspect na tumama naman sa ulo ni Intatano na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa isinagawang pamamaril ng suspect. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments