P100-M ari-arian tinupok ng apoy

MABALACAT, Pampanga -Tinatayang aabot sa halagang P100 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang may 300 stalls ng PX goods at isang sinehan noong Sabado ng gabi sa Brgy. Dau ng bayang ito.

Pinasisiyasat ni Mayor Marino Morales sa mga awtoridad ang naganap na sunog dahil sa ilang saksi ang nag-ulat na bago pa nagsimula ang sunog dakong alas 10:15 ng gabi ay umalingasaw na ang amoy ng gasolina sa paligid ng malls sa nasabing lugar.

Sa ulat din ng pulisya, sabay-sabay umano ang pagsiklab ng apoy sa tatlong panulukan ng sinehan na malapit sa 300 stalls.

Sinabi pa ni Morales na may misteryosong naganap sa likod ng sunog dahil sa P1 milyon lamang ang naka-insured ng nasabing malls at karamihang namimili ay pawang nagmula pa sa Metro Manila.

Gayunpaman, nagsimula ang sunog sa kanang bahagi ng harapan ng malls at mabilis itong kumalat.

Aabot sa 10 pamatay-sunog mula sa Clark economic zone, Angeles City, Capas, Bamban, Tarlac ang nagresponde at kaagad namang naapula ang apoy dakong ala-1:30 ng madaling araw. Walang naiulat na nasugatan o nasawi sa naganap na sunog. (Ulat ni Ding Cervantes)

Show comments