Batay sa limang-pahinang desisyon na binasa sa sala ni Judge Basilio Gabo ng Regional Trial Court (RTC) Branch 11, isinasaad dito na ang akusadong si Rolando Fermin, 16, binata, ng nabanggit na lugar ay walang pagdududa at pag-aalinlangang nagkasala sa kasong panggagahasa at pagpatay sa biktimang lola na si Encarnacion Enriquez, noong nakalipas na Pebrero 28, 1999 alinsunod sa mga ebidensiyang iniharap laban sa kanya.
Sa ulat na isinumite ng pulisya sa korte, nabatid na papauwi na umano ang biktima nang makasalubong nito ang akusado na noon ay nasa impluwensiya ng alak.
Kinaladkad umano ng akusado ang matanda patungo sa isang madamong lugar at doon ito ginahasa. Matapos ang ginawang panghahalay pinalakol pa ng akusado sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktimang lola hanggang sa mamatay. Pinasakan pa umano ng isang matulis na bagay ang ari ng matanda nang ito ay matagpuang wala nang buhay.
Bagamat ito ay isang karumal-dumal na krimen ay isinaalang-alang din ng korte ang pagiging menor-de-edad ng akusado, kaya ang naging hatol dito ay habang buhay na pagkabilanggo lamang.
Pinagbabayad din ng korte ang akusado ng halagang P120,000 bilang bayad-pinsala sa pamilyang inulila ng nasabing lola. (Ulat ni Efren Alcantara)